Posts

Showing posts from June, 2025

Pagkakape bago umalis

Image
PAGKAKAPE BAGO UMALIS narito't nagpainit ng tubig upang magkape bago umalis kapaligiran ay anong lamig ngunit naligo rin at nagbihis sadyang anong sarap ng sinangrag  na aking kinape ng umaga ramdam na ang loob ay panatag habang nasa diwa'y sinisinta tara, magkape bago lisanin ang nayon patungong kalunsuran  huwag ding kalimutang kumain maglakbay ng may laman ang tiyan salamat sa masarap na kape pampagising lalo't bibiyahe  - gregoriovbituinjr. 06.27.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1Ceqf1uadF/  

Pulutang isda

Image
PULUTANG ISDA tumagay kaming pulutan ay isda pritong galunggong o kaya'y tilapya madaling araw ito ang ginawa habang kwatro kantos ang tinutungga ulam: galunggong kaninang umaga kahit tanghali, ulam pa rin siya kahit hapon, iyon pa rin talaga pagdating ng gabi'y pinulutan na kaysimple lang ng buhay, may tanggero kaylumbay man ng nararamdaman ko mahalaga'y makisamang totoo sa kamag-anakan ni misis dito pakikisama'y sadyang importante sa panahon ngayong di mo masabi ngunit patuloy na tutula kami lalo na't pagtula sa kinakasi - gregoriovbituinjr. 06.27.2025

Siling pasiti

Image
SILING PASITI kayraming siling pasiti sa bundok  na mas maanghang sa siling labuyo kaylilinggit, ngunit tiyak uusok ka sa anghang pag nalasap mong buo sa toyo't kamatis, hinalo namin  upang tilapya't talbos ay sumarap pasiti ay pampaganang kumain baka matupad ang mga pangarap pasiti ay tumutubo sa ilang pinanguha nang pumunta ng ilog bagamat sadyang kaytindi ng anghang sa inuulam ay iyong isahog kung kapoy ka, kumain ng pasiti at gaganahan ka sa ganyang sili - gregoriovbituinjr. 06.25.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1JJDVz8vCA/  

Pagkakape ng sinangrag

Image
PAGKAKAPE NG SINANGRAG kung tapuy ay rice wine, ang  sinangrag ay  rice coffee , bigas na sinangag hanggang masunog, pinakuluan sa tubig nang maging kape naman tatak sa tasa, may sinasabi naroon ay  "This is you. This is me." nagsinangrag umaga at gabi sa sarap nito'y di magsisisi isa lamang sa natutunan ko kaysarap, nalasahang totoo panlinis pa raw ng tiyan ito pampatatag ng katawa't buto noong araw, walang gatas kundi am mula sa bagong aning palay man nabuhay rito ang kabataan kaya malalakas ang katawan maganda ang epekto sa ating kalusugan, kaygandang inumin natutunang ito'y gagamitin upang ang iba'y makainom din - gregoriovbituinjr. 06.23.2025

CLAYGO - Clean As You Go

Image
CLAYGO - Clean As You Go magandang panuntuan ang  CLAYGO na kahulugan ay  Clean As You Go una kong nakita sa kantina ng ospital at nang mabisita ang napuntahan kong opisina ganito'y una kong naranasan bilang obrero sa pagawaan ilang dekada nang nakaraan di man nasulat noon ang  CLAYGO disiplina namin ay ganito waiter kasi noon ay di uso at di dapat astang senyorito mag-aayos ng pinagkainan ay yaong kumain, ikaw mismo hanggang ngayon, ito'y aking dala kahit pa saan ako magpunta di sa restoran, kundi sa erya ng manggagawa't maralita pa sa panuntunang ito'y salamat na sana'y magamit din ng bawat opisina upang walang kalat ginamit mo, hugasan mo dapat - gregoriovbituinjr. 06.10.2025 * litratong kuha ng makatang gala sa kantina ng St. Luke's Medical Center, QC, at sa opisina ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Sa kantina ng ospital

Image
SA KANTINA NG OSPITAL  pinakapahinga ko ang pagpunta sa kantina ng ospital, di lamang  upang gutom na nadama'y pawiin mula sa tensyonadong kalagayan karamihan ng pagnilay kong sadya ay sa isang sulok doon, kakatha ng nasasaloob, itinutula habang di pa ubos ang gulay, isda doon nakakapahinga ang isip doon kayraming paksang nalilirip doon tila buhay ko'y nasasagip doon may samutsaring halukipkip subalit dapat bumalik ng silid kung saan naroon ang aking misis siyang binabantayan ko ng labis bagamat ayokong luha'y mangilid daghang salamat sa kantinang iyon na pahingahan ko laban sa tensyon sakali, doon lang maglilimayon at alagatain anuman doon - gregoriovbituinjr. 06.09.2025

Pagkain

Image
PAGKAIN pansin ko, binibigay ni misis sa akin ang pagkaing laan sa kanya't di kinain lalo't batid niyang di ako nag-almusal maya pa kakain sa canteen ng ospital para sa kanya ang pagkaing ibinigay di ako kahati roon sa isda't gulay pagkat iyon ay sapat lang para sa kanya diet na laan sa maysakit na asawa kaya nga pag iyon ay hinati pa namin tila paglakas niya'y pinagkait ko rin ngunit pag pakiramdam niya'y gutom ako ako'y hahatian, kaybait ng misis ko ngunit siya ang kailangang magpalakas kaya nagpasiya ako't aking nawatas kakain ako bago pa siya kumain upang pagkain niya'y kanyang uubusin o kaya'y bibili na ako sa kantina ng pagkain ko upang may kasalo siya ay, ganyan nga ang dapat kong gawin talaga upang sabay kaming mabusog ng asawa - gregoriovbituinjr. 06.08.2025