Posts

Showing posts from August, 2025

Salabat at pandesal

Image
SALABAT AT PANDESAL salabat at pandesal sa umagang kayganda kaysarap na almusal at nakabubusog pa kay-aga kong nagmulat at nagtungong bakery nag-init ng salabat pandesal ay binili ako lang ang kumain mag-isang nag-agahan mamaya'y susulatin ko'y santula na naman salamat sa salabat pampaganda ng tinig sa pandesal, salamat pampagana ng tindig - gregoriovbituinjr. 08.26.2025

Meryendang KamSib

Image
MERYENDANG KAMSIB kaysarap ng meryenda lalo't pagod talaga sa maghapong trabaho pawisan na ang noo ang meryenda ko'y simple at di ka magsisisi sibuyas at kamatis na panlaban sa sakit pag kaytaas ng sugar di ka na makaandar naglo-low carb na ngayon sa buhay ko na'y misyon dahil kayraming laban pang dapat paghandaan kayrami pang sulatin ang dapat kong tapusin bawal nang magkasakit ito'y payo at giit magbawas ng asukal upang tayo'y magtagal - gregoriovbituinjr. 08.15.2025 * KamSib - kamatis at sibuyas

Low carb diet, tula 2

Image
LOW CARB DIET, TULA 2 mabigat sa tiyan / at nakabubusog kahit walang kanin / ay di mangangatog aba, kagabi nga, / kaysarap ng tulog tila nangangarap / ako ng kaytayog oo, walang kanin, / gulay at isda lang ngunit mga tinik / ay pakaingatan ang sabaw ng talbos / ay kaysarap naman sibuyas, kamatis, / lasap ang linamnam low carb diet na nga'y / aking sinusunod buti't may ganito, / nang di mapilantod lalo't ang tulad ko'y / tuloy sa pagkayod bumaba ang sugar / ang tinataguyod simpleng pamumuhay, / puspusang pagbaka sa bayan at sakit, / at magpalakas pa katawang malusog / at kaaya-aya ang isang adhika / ng lingkod ng masa - gregoriovbituinjr. 08.12.2025

Low carb diet

Image
LOW CARB DIET sinimulan ang low carb, walang kanin ito na ngayon ang aking layunin mataas na sugar ay pababain isda't lunting gulay ang kakainin pangalagaan na ang kalusugan nang malayo sa sakit o anuman ang kaunting gastos ay kainaman dapat nang palakasin ang katawan sino pa bang tutulong sa sarili upang sa malaon ay di magsisi pangangatawan ay dapat bumuti upang isip at loob ay kampante salamat sa inyong mga pinayo nang umayos ang asukal at dugo salamat at ako'y inyong nahango sa paglublob sa putik ng siphayo - gregoriovbituinjr. 08.10.2025

Bawang juice

Image
BAWANG JUICE nag-init ng tubig sa takure at naglagay ng bawang sa baso di naman ako nagmamadali mamayang tanghali pa lakad ko madaling araw pa nang magising nagtrabaho na sa pagsusulat nagutom, nagluto, at kumain bawang ay tinanggalan ng balat sa baso, butil nito'y nilagay nagbanto ng mainit na tubig at ininom habang naninilay ang nawala kong sinta't pag-ibig pampalakas nga raw ang bawang juice subalit dapat huwag madalas hanggang sa ito'y aking maubos ay, kaysarap nitong panghimagas - gregoriovbituinjr. 08.06.2025

Anong pamalit sa kanin?

Image
ANONG PAMALIT SA KANIN? anong magandang kainin na ipampalit sa kanin? sabihin mo nga sa akin baka payo mo'y magaling mataas daw ang sugar ko e, rice-based na bansa tayo kanin ng kanin, totoo mula pa nang bata ako mais ba'y nakabubusog? kamote ba'y pampalusog? tulad ng gulay at itlog? ano ang magandang sahog? anong alternatibo ba? nang mabago ang sistema nang sugar di tumaas pa kung walang kanin, ano na? turan mo, O, kaibigan ang wastong pamalit diyan alin ang pangkalusugan? at ako'y iyong tulungan! - gregoriovbituinjr. 08.04.2025