Posts

Showing posts from October, 2025

Payak na hapunan ng tibak na Spartan

Image
PAYAK NA HAPUNAN NG TIBAK NA SPARTAN sibuyas, kamatis at bawang pinagsama habang tuyong hawot ay ipinirito pa payak na hapunan ng tibak na Spartan na nag-iisa na lang sa abang tahanan nagsaing muna, sunod ay ang paglalaba at naglinis din sa tinahanan ng sinta nagkusot, nagbanlaw, labada'y pinigaan niluto'y hawot pagkagaling sa sampayan simpleng pamumuhay lang kasama ng masa simpleng pagkain lang habang nakikibaka simpleng tulâ lang ang alay sa santinakpan simpleng buhay lang na handog sa sambayanan tara, mga katoto, saluhan n'yo ako sa payak mang hapunan ay magsalo-salo - gregoriovbituinjr. 10.30.2025

Ginisang sardinas na may malunggay

Image
GINISANG SARDINAS NA MAY MALUNGGAY may dalawang sanga ng malunggay at may isang lata ng sardinas tiyak na namang ako'y didighay muling gaganahan at lalakas may kamatis, bawang at sibuyas nilagay ang kawali sa kalan sabaw ay unab o hugas-bigas kalan ay akin nang sinindihan nilagyan ng kaunting mantikà sibuyas at bawang na'y ginisa pati kamatis at sardinas ngâ unab, malunggay, pinaghalo na tara, katoto, saluhan ako tiyak, masasarapan ka rito - gregoriovbituinjr. 10.26.2025

Itlog at okra sa inin-in

Image
ITLOG AT OKRA SA ININ-IN bago tuluyang main-in ang kanin isinapaw ko ang apat na okra at naglagay ng puwang sa inin-in upang doon itlog ay lutuin pa ang kawali'y di na kinailangan upang mapagprituhan nitong itlog okra'y in-in na ang pinaglagaan sa hapunan ay kaysarap na handog anong laking tipid pa sa hugasin isapaw lang, aba'y ayos na ito sa buhay na payak, may uulamin pag sikmura'y kumalam na totoo mga katoto, tarang maghapunan ulam sana'y inyong pagpasensyahan - gregoriovbituinjr. 10.25.2025

Pandesal, salabat at malunggay tea

Image
PANDESAL, SALABAT AT MALUNGGAY TEA payak lamang ang aking inalmusal malunggay tea, salabat at pandesal sa iwing resistensya'y pampatagal sa takbuhan, di ka agad hihingal ngunit mamaya, mahabang lakaran tungo sa mahalagang dadaluhan dapat may pampalakas ng katawan at pampatibay ng puso't isipan anupa't kaysarap magmuni-muni pag nag-almusal, nagiging maliksi ang kilos, susulat pang araw-gabi ng akdang sa diwa'y di maiwaksi tarang mag-almusal, mga katoto pagpasensyahan lang kung konti ito - gregoriovbituinjr. 10.25.2025

Inumin ng tibak na Spartan

Image
INUMIN NG TIBAK NA SPARTAN tsaang bawang, luya at malunggay ang kadalasan kong tinatagay layon kong katawan ay tumibay kalamnan ay palakasing tunay lalo't araw-gabing nagninilay nagsusulat ng kwento't sanaysay titingala sa punong malabay sa buhawi'y di nagpapatangay kailangan sa mahabang lakbay ay mga tuhod ay matitibay uminom ng katamtamang tagay hanggang isipan ay mapalagay pag pakiramdam mo'y nananamlay inom agad ng tsaang malunggay luya't bawang na nakabubuhay aba'y agad sisigla kang tunay - gregoriovbituinjr. 10.23.2025

Inuming malunggay

Image
INUMING MALUNGGAY sampung pisong malunggay ang binili kong tunay sa palengkeng malapit barya man ay maliit nilagay ko sa baso at binantuan ito ng mainit na tubig na panlaban sa lamig layunin ko'y lumakas ang kalamna't tumigas bisig na matipunô at sakit ay maglahò sa malunggay, salamat dama'y di na mabigat ang loob ko'y gumaan pati puso't isipan - gregoriovbituinjr. 10.22.2025

Bawang juice at salabat

Image
BAWANG JUICE AT SALABAT pagkagising sa madaling araw ay nagbawang juice na't nagsalabat habang nararamdaman ang ginaw at sikmura'y tila inaalat pampalakas ng katawan, sabi sa dugo'y pampababa ng presyon pinalalakas ang immunity para rin sa detoksipikasyon para talaga sa kalusugan at panlaban din sa laksang pagod nakatutulong maprotektahan sa ubo't sipon, nakalulugod upang sakit nati'y di lumalâ upang katawan nati'y gumanda ang anumang labis ay masamâ kaya huwag uminom ng sobra - gregoriovbituinjr. 10.20.2025

ALTANGHAP (ALmusal, TANGhalian, HAPunan)

Image
ALTANGHAP (ALmusal, TANGhalian, HAPunan) pritong isda, talbos ng kamote okra, bawang, sibuyas, kamatis pagkain ng maralita'y simple upang iwing bituka'y luminis sa katawan nati'y pampalusog nang makaiwas sa karamdaman puso't diwa man ay niyuyugyog ng problema ay makakayanan iwas-karne na'y patakaran ko hangga't kaya, pagkain ng prutas ay isa pang kaygandang totoo pagkat iinumin mo ang katas aba'y oo, simpleng pamumuhay at puspusan sa pakikibaka dapat tayo'y may lakas na taglay lalo na't nagsisilbi sa masa - gregoriovbituinjr. 10.12.2025

Gulay sa hapunan

Image
GULAY SA HAPUNAN iwas-karne at mag-bedyetaryan pulos gulay muna sa hapunan ganyan ang buhay ng badyetaryan batay sa badyet ang inuulam sa katawan natin pampalakas ang mga gulay, wala mang gatas may okra, kamatis at sibuyas pulos gulay na'y aking nawatas iyan ang madalas kong manilay upang kalamnan nati'y tumibay payo rin ito ng aking nanay kaya kalooban ko'y palagay sa hapunan, ako'y saluhan n'yo at tiyak, gaganahan din kayo - gregoriovbituinjr. 10.10.2025

Tatlong herbal na inumin

Image
TATLONG HERBAL NA INUMIN di naman iinumin nang sabay magkasunod o isang tunggaan may pagitan itong isang oras mainit na tubig lang ang sabay sayang kung tubig ay iinitin kada oras sa takure namin kaya tatlong baso'y pagsabayin ngunit di lang sabay iinumin isang baso'y salabat o luya dahon ng guyabano ang isa isa nama'y sambasong bawang pa inuming pampalakas talaga iyan na ang aking iniinom gabi, umaga, tanghali, hapon hay, kayrami pang trabaho't misyon dapat katawa'y malakas ngayon - gregoriovbituinjr. 10.10.2025

Tarang mag-almusal

Image
TARANG MAG-ALMUSAL patibayin ang katawan at busugin din ang tiyan kumain na ng agahan upang di ka panghinaan mahirap kung walang kain kung maraming lalakarin dahil baka ka gutumin ay baka maging sakitin tara munang mag-almusal upang di babagal-bagal at din rin hihingal-hingal sa daraanan mang obal dapat tumatag ang isip na kayraming nalilirip busog ay may halukipkip at lakas ang kahulillip - gregoriovbituinjr. 10.08.2025

Guyabano tea

Image
GUYABANO TEA dahon ng guyabano at mainit na tubig paghaluin lang ito nang lumakas ang bisig at buo mong kalamnan na ang lasa'y kaysarap tanim lang sa bakuran di na ako naghanap guyabano na'y tsaa inumin nang lumusog paggising sa umaga o bago ka matulog tikman, guyabano tea madaramang lalakas at di ka magsisisi kalusugan mo'y wagas - gregoriovbituinjr. 10.06.2025

Imbis iprito ang itlog, isapaw sa iniinin

Image
IMBIS IPRITO ANG ITLOG, ISAPAW SA INIININ imbis iprito ang itlog isapaw sa iniinin wala nang mantikang sahog sasarap pa itong kain payak na diskarte lamang nakatipid pang totoo sa paggamit nitong kalan o kuryente sa luto mo sapaw-sapaw lang sa kanin at may uulamin ka na walang hirap na lutuin parang sinapaw na okra salamat sa inyong payò nakatipid, walang luhò - gregoriovbituinjr. 10.03.2025 * may munting bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/r/16FsVaYcnw/