Posts

Showing posts from November, 2025

Pagkaing Palestino sa hapunan

Image
PAGKAING PALESTINO SA HAPUNAN bukod sa shawarma, minsan lang ako makatikim ng mga pagkaing Palestino, na tulad nito may halong mani, makulay at mahaba ang kanin masarap, malasa, isang ito'y nagustuhan ko may nagtindang half-Filipino at half-Palestinian sa rali,  International Day of Solidarity with the Palestian People , kami'y kaisa naman nila ngayong araw ng  Nobyembre Bente-Nuwebe sa nanlibre sa amin, kami'y nagpapasalamat nireserbang panghapunan kaya may naiuwi sadyang nakabubusog habang may nadadalumat na sa tahanan pala'y mayroon akong kahati nang ako'y dumating, nagngiyawan ang mga pusa ngunit gabi na nang kinain ko ang aking baon kaya natira sa manok ang aking inihanda upang mga tambay na alaga'y di rin magutom - gregoriovbituinjr. 11.29.2025

Panalo nga ba?

Image
PANALO NGA BA? nakasulat:  "Lahat ng pack, panalo!" sa baba:  "Smoking causes foot gangrene" kaya ang tanong: tunay bang panalo? ang ad ay kabalintunaan man din sa kabila,  "ang paninigarilyo ay sanhi ng pagkaagnas ng paa" ngunit sabi'y  "Lahat ng pack, panalo'" sa agnas na paa'y panalo nga ba?" kabalintunaan ang patalastas di ka talaga panalo sa ganyan ngunit dahil negosyante'y malakas balintuna man, pinagtutubuan binibilog na ang ulo ng madlâ subalit ito'y tila balewalâ - gregoriovbituinjr. 11.27.2025

Sampung pisong buko

Image
SAMPUNG PISONG BUKO buti na lang, may sampung pisong buko na araw-araw ay naiinom ko imbes na soft drinks, lambanog o kape sampung pisong buko pa'y mas maigi pagkat pampalakas na ng katawan ay mabuti pa sa puso't isipan tubig ng buhay at nakabubuhay lunas sa karamdaman, pangingimay sampung pisong buko, napakamura nagtitinda nito'y kapwa mahirap h'wag sanang kunin ng kapitalista baka dukha'y malugi sa sang-iglap sampung pisong buko'y ating inumin at magandang kalusugan ay kamtin - gregoriovbituinjr. 11.27.2025

BASI (BAwang, SIbuyas)

Image
BASI (BAWANG, SIBUYAS) pinagsamang sibuyas at bawang ang pampalakas nitong katawan na sa baso'y pagsamahin lamang at agad ko itong babantuan ng mainit na tubig, talaga naman, at sadyang gaganahan ka inumin mo't bisa'y madarama tila nililinis ang bituka tawag ko'y  BASI  -  BA wang,  SI buyas kumbaga, ito ang aking gatas o pagkakain ay panghimagas kayrami nitong nabigyang lunas tara, uminom tayo ng BASI na kaiba sa alak na Basi tiyak namang di ka magsisisi kundi magiging super kang busy - gregoriovbituinjr. 11.23.2025

Doble presyo na ang okra

Image
  DOBLE PRESYO NA ANG OKRA nuong isang araw, sampung piso lang ang santaling okra, na lima ang laman, ngayon na'y bente pesos ang gayong okra, dumobleng gastos pamahal ng pamahal ang gulay bente pesos na rin ang malunggay pati tatlong pirasong sibuyas tatlong kamatis na pampalakas O, okra, bakit ka ba nagmahal? tulad ka rin ng ibang kalakal na supply and demand ang prinsipyo sadyang ganyan sa kapitalismo mabuting sa lungsod na'y magtanim bakasakaling may aanihin bagamat matagal pang tumubò kahit paano'y may mahahangò - gregoriovbituinjr. 11.19.2025

Talong at SiBaKa

Image
TALONG AT SIBAKA talong,  SI buyas,  BA wang,  KA matis ang aking pananghaliang wagas sa trabaho ma'y punò ng pawis malasa, ito ang pampalakas tara, tayo nang mananghalian kaunti man, pagsaluhan natin gaano man kapayak ang ulam kita'y maghating kapatid pa rin ang  SIBAKA  ay di mawawalâ minsan, may karne; madalas gulay paminsan-minsan naman, may isdâ dahil sa protina nitong taglay tulong talaga ang talong dito mapapalatak, nakabubusog O, mga kasama ko't katoto pagsaluhan na ang munting handog - gregoriovbituinjr. 11.16.2025

Ang payò nila hinggil sa pag-inom

Image
ANG PAYÒ NILA HINGGIL SA PAG-INOM birthday ni Dad sa Disisyete ng Nobyembre pamangkin ko sa Disiotso ng Nobyembre Disinwebe naman ang utol kong babae habang utol kong lalaki'y sa Bentesyete ngayong a-Onse, ikalimang death monthsary ng aking butihing asawang si Liberty ano't kayraming kaganapan ng Nobyembre sa araw ni Bonifacio pa'y magrarali may payò nga ang ama kong namayapa na na hanggang ngayon ay akin pang dala-dala: "Huwag kang mag-iinom pag nalulungkot ka. Mag-inom lang kung may okasyon o masaya." tiyak, iyan din ang nanaisin ng sinta huwag kong lunurin sa alak ang problema oo, sa payò sa akin ay tama sila Dad, Libay, salamat sa inyong paalala - gregoriovbituinjr. 11.11.2025 * litrato kuha sa kalapit na bar habang isang oras na naghihintay na magawâ ang tarp

Sunny side up sa sinaing

Image
SUNNY SIDE UP SA SINAING paano kung wala kang mantika sa bahay maulan at baha, ayaw mo nang lumabas subalit nais ng anak mo'y sunny side up na itlog, may paraan kung nais lumingap sa sinaing, bago pa mainin ang kanin bakatan ng puwet ng baso ang sinaing pag may puwang na, itlog ay iyong basagin at ilagay lang sa puwang, lagyan ng asin ang itlog, sandali'y lilipas, pag nalutò presto! may sunny side up na ang iyong bunsô sunny side up sa kanin, tanda ng pagsuyò at matalinong diskarteng di naglalahò may sapaw ka pang okra, may sunny side up pa anong sarap ng kain ninyo sa umaga sa gas o sa kuryente'y nakatipid ka na mga mahal mo'y matutuwa pang talaga - gregoriovbituinjr. 11.10.2025

Sabaw ng talbos ng kamote't okra

Image
SABAW NG TALBOS NG KAMOTE'T OKRA pinainit na ang tiyan nitong umaga ininom ang mainit na sabaw ng okra at talbos ng kamote, na di man malasa ay tiyak na ito'y pampalakas talaga nagising kasi kaninang madaling araw sa labas ng bahay ay may nakitang ilaw nagsindi palang kandila ang kapitbahay na hanggang sa ngayon ako pa'y nagninilay di pa makatulog gayong nais umidlip mamaya, pagod kong mga mata'y pipikit ipapahinga ang katawan, puso't isip upang mga tula sa diwa'y iuukit kailangang laging malusog ang katawan laging isipin ang lagay ng kalusugan kaya talbos ng kamote't okra'y mainam na ulam pati sabaw nitong pang-agahan - gregoriovbituinjr. 11.02.2025