Posts

Showing posts from December, 2025

Paskong tuyó

Image
PASKONG TUYÓ ano bang aasahan ng abang makatâ sa panahong ipinagdiriwang ng madlâ kundi magnilay at sa langit tumungangà kahit nababatid ang samutsaring paksâ tandâ ko pa ngayon si Heber Bartolome noong buhay pa't nakakapunta pa kami sa kanyang bahay, talakayan ay matindi at may konsyertong Paskong Tuyó siya dati ngayon, mag-isa akong nagpa-Paskong Tuyó walâ na si misis, walâ nang sinusuyò singkwenta pesos ang isang tumpok na tuyó binili kahapon, kanina inilutò minsan, tanong ko, sadyâ bang ganyan ang buhay ako'y makatâ at kwentistang mapagnilay tanging naisasagot ko'y magkakaugnay habang patuloy pang nakikibakang tunay - gregoriovbituinjr. 12.25.2025

Noche Buena ng isang biyudo

Image
NOCHE BUENA NG ISANG BIYUDO nagsalita ang D.T.I., atin daw pagkasyahin iyang limang daang piso sa Noche Buena natin maraming nagprotesta, huwag daw tayong ganyanin habang kurakot ay bundat sa ninakaw sa atin may Noche Buena Challenge, diyata't aking tinanggap Noche Buena ng isang manunulat na mahirap ang sinabi ba ng D.T.I. ay katanggap-tanggap? sa bisperas ng Pasko, buhay ko'y aandap-andap ang Noche Buena ko'y wala pang limandaang piso unang Noche Buena ko ito mula mabiyudo sa karinderya'y sisenta pesos ang tasang munggo ang isang tumpok ng hipon ay isandaang piso balot ng kamatis, tatlo ang laman, bente pesos pati sibuyas na tatlo ang laman, bente pesos santumpok ng anim na dalanghita, trenta pesos isang pirasong mansanas, halaga'y trenta pesos sampû ang santaling okra sa hipon inihalò tatlong nilagang itlog na ang bawat isa'y sampû  limampung piso naman ang isang tumpok na tuyó  pitumpung piso pa ang Red Horse na nakalalangô  limampung piso ang sangkilong Bac...

Hapunan ko'y potasyum

Image
HAPUNAN KO'Y POTASYUM taospusong pasasalamat sa nagbigay nitong potasyum tiyak na rito'y mabubundat bigay mula sa isang pulong dalawang turon ang narito at dalawang tila maruya kailangan talaga ito ng katawan kong kaynipis nga pampalakas daw nitong puso pati na ng mga kalamnan pangontrol ng presyon ng dugo pabalanse rin ng katawan kaya di na ako nagsaing di na rin bumili ng ulam dahil sapat na itong  saging na sa gutom ko'y nakaparam salamat sa potasyum na bigay sapagkat may panghapunan na upang makakatha pang tunay ng tulang tulay ko sa masa - gregoriovbituinjr. 12.02.2025