Posts

Payak na hapunan

Image
PAYAK NA HAPUNAN muli, payak ang hapunan sibuyas, kamatis, bawang, okra at tuyong hawot man basta malamnan ang tiyan habang nagninilay pa rin sa harap man ng pagkain tila may binubutinting sa diwa't paksa'y pasaring upang tayo na'y mauntog laban sa buwitreng lamog buwayang di nabubusog pating na lulubog-lubog isip ay kung anu-ano kayraming tanong at isyu mga kurakot na loko ba'y paano malulumpo? - gregoriovbituinjr. 01.10.2026

Kape at pandesal

Image
KAPE AT PANDESAL tarang magkape at pandesal sa umaga habang patuloy ang buhay na may pag-asa na nangangarap ng panlipunang hustisya para sa bayan, uring paggawa, at masa dapat may laman ang tiyan bago magkape upang katawan ay maganda ang responde kainin ang sampung pandesal na binili habang inaatupag ang katha't sarili buting nakapag-almusal bago pumasok sa trabaho, sa pagsulat man nakatutok manuligsa ng kurakot at trapong bugok at kumilos din laban sa sistemang bulok kayraming paksa't isyung nakatitigagal ay, tara na munang magkape't magpandesal upang busóg sa pagkilos, di nangangatal upang sa anumang laban ay makatagal - gregoriovbituinjr. 01.08.2026

Pagsalubong sa 2026: Year of the Fire Horse

Image
PAGSALUBONG SA 2026, YEAR OF THE FIRE HORSE tahimik kong sinalubong ang Year of the Fire Horse pulutan ay tahong at iniinom ay Red Horse hay, katatapos ko lang maglinis ng tahanan umidlip ng isang oras, tumagay, namulutan sana'y walang matamaan ng ligaw na bala sana'y walang lasenggong magpaputok ng baril sana'y walang naputukan sa mga daliri maayos sanang sinalubong ang Bagong Taon ngunit taon lang naman ang nabago talaga habang nariyan pa rin ang bulok na sistema patuloy pa rin nating hanapin ang hustisya panagutin ang mga kurakot at buwaya maya-maya'y matutulog muli ako't antok matapos ang isang boteng Red Horse ay malagok New Year's Resolution: Ralihan ang trapo't bugok lalo na ang mga kurakot na nasa tuktok - gregoriovbituinjr. 01.01.2026

Paskong tuyó

Image
PASKONG TUYÓ ano bang aasahan ng abang makatâ sa panahong ipinagdiriwang ng madlâ kundi magnilay at sa langit tumungangà kahit nababatid ang samutsaring paksâ tandâ ko pa ngayon si Heber Bartolome noong buhay pa't nakakapunta pa kami sa kanyang bahay, talakayan ay matindi at may konsyertong Paskong Tuyó siya dati ngayon, mag-isa akong nagpa-Paskong Tuyó walâ na si misis, walâ nang sinusuyò singkwenta pesos ang isang tumpok na tuyó binili kahapon, kanina inilutò minsan, tanong ko, sadyâ bang ganyan ang buhay ako'y makatâ at kwentistang mapagnilay tanging naisasagot ko'y magkakaugnay habang patuloy pang nakikibakang tunay - gregoriovbituinjr. 12.25.2025

Noche Buena ng isang biyudo

Image
NOCHE BUENA NG ISANG BIYUDO nagsalita ang D.T.I., atin daw pagkasyahin iyang limang daang piso sa Noche Buena natin maraming nagprotesta, huwag daw tayong ganyanin habang kurakot ay bundat sa ninakaw sa atin may Noche Buena Challenge, diyata't aking tinanggap Noche Buena ng isang manunulat na mahirap ang sinabi ba ng D.T.I. ay katanggap-tanggap? sa bisperas ng Pasko, buhay ko'y aandap-andap ang Noche Buena ko'y wala pang limandaang piso unang Noche Buena ko ito mula mabiyudo sa karinderya'y sisenta pesos ang tasang munggo ang isang tumpok ng hipon ay isandaang piso balot ng kamatis, tatlo ang laman, bente pesos pati sibuyas na tatlo ang laman, bente pesos santumpok ng anim na dalanghita, trenta pesos isang pirasong mansanas, halaga'y trenta pesos sampû ang santaling okra sa hipon inihalò tatlong nilagang itlog na ang bawat isa'y sampû  limampung piso naman ang isang tumpok na tuyó  pitumpung piso pa ang Red Horse na nakalalangô  limampung piso ang sangkilong Bac...

Hapunan ko'y potasyum

Image
HAPUNAN KO'Y POTASYUM taospusong pasasalamat sa nagbigay nitong potasyum tiyak na rito'y mabubundat bigay mula sa isang pulong dalawang turon ang narito at dalawang tila maruya kailangan talaga ito ng katawan kong kaynipis nga pampalakas daw nitong puso pati na ng mga kalamnan pangontrol ng presyon ng dugo pabalanse rin ng katawan kaya di na ako nagsaing di na rin bumili ng ulam dahil sapat na itong  saging na sa gutom ko'y nakaparam salamat sa potasyum na bigay sapagkat may panghapunan na upang makakatha pang tunay ng tulang tulay ko sa masa - gregoriovbituinjr. 12.02.2025

Pagkaing Palestino sa hapunan

Image
PAGKAING PALESTINO SA HAPUNAN bukod sa shawarma, minsan lang ako makatikim ng mga pagkaing Palestino, na tulad nito may halong mani, makulay at mahaba ang kanin masarap, malasa, isang ito'y nagustuhan ko may nagtindang half-Filipino at half-Palestinian sa rali,  International Day of Solidarity with the Palestian People , kami'y kaisa naman nila ngayong araw ng  Nobyembre Bente-Nuwebe sa nanlibre sa amin, kami'y nagpapasalamat nireserbang panghapunan kaya may naiuwi sadyang nakabubusog habang may nadadalumat na sa tahanan pala'y mayroon akong kahati nang ako'y dumating, nagngiyawan ang mga pusa ngunit gabi na nang kinain ko ang aking baon kaya natira sa manok ang aking inihanda upang mga tambay na alaga'y di rin magutom - gregoriovbituinjr. 11.29.2025