Posts

Showing posts from January, 2026

Payak na hapunan

Image
PAYAK NA HAPUNAN muli, payak ang hapunan sibuyas, kamatis, bawang, okra at tuyong hawot man basta malamnan ang tiyan habang nagninilay pa rin sa harap man ng pagkain tila may binubutinting sa diwa't paksa'y pasaring upang tayo na'y mauntog laban sa buwitreng lamog buwayang di nabubusog pating na lulubog-lubog isip ay kung anu-ano kayraming tanong at isyu mga kurakot na loko ba'y paano malulumpo? - gregoriovbituinjr. 01.10.2026

Kape at pandesal

Image
KAPE AT PANDESAL tarang magkape at pandesal sa umaga habang patuloy ang buhay na may pag-asa na nangangarap ng panlipunang hustisya para sa bayan, uring paggawa, at masa dapat may laman ang tiyan bago magkape upang katawan ay maganda ang responde kainin ang sampung pandesal na binili habang inaatupag ang katha't sarili buting nakapag-almusal bago pumasok sa trabaho, sa pagsulat man nakatutok manuligsa ng kurakot at trapong bugok at kumilos din laban sa sistemang bulok kayraming paksa't isyung nakatitigagal ay, tara na munang magkape't magpandesal upang busóg sa pagkilos, di nangangatal upang sa anumang laban ay makatagal - gregoriovbituinjr. 01.08.2026

Pagsalubong sa 2026: Year of the Fire Horse

Image
PAGSALUBONG SA 2026, YEAR OF THE FIRE HORSE tahimik kong sinalubong ang Year of the Fire Horse pulutan ay tahong at iniinom ay Red Horse hay, katatapos ko lang maglinis ng tahanan umidlip ng isang oras, tumagay, namulutan sana'y walang matamaan ng ligaw na bala sana'y walang lasenggong magpaputok ng baril sana'y walang naputukan sa mga daliri maayos sanang sinalubong ang Bagong Taon ngunit taon lang naman ang nabago talaga habang nariyan pa rin ang bulok na sistema patuloy pa rin nating hanapin ang hustisya panagutin ang mga kurakot at buwaya maya-maya'y matutulog muli ako't antok matapos ang isang boteng Red Horse ay malagok New Year's Resolution: Ralihan ang trapo't bugok lalo na ang mga kurakot na nasa tuktok - gregoriovbituinjr. 01.01.2026